Dalawang daang gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang mahigit P1.3 milyon ang halaga ang nasabat ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Quezon City nitong Linggo ng gabi.
Subject ng nasabing buy-bust operation sa Barangay Bahay Toro ang suspek na si Ruben Madarang, 40-anyos, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.
Naaresto ang suspek ng mga tauhan ng Quezon City Police District-Drug Enforcement Unit (QCPD-DEU) matapos makabili mula sa kanya ang isang pulis na nagpanggap na buyer ng droga.
"Ang original na transaction niya is 50 grams [ng shabu]. Sa subsequent search ay nakuha pa rin ang tatlong pakete na tig-50 grams ulit so naging 200 [grams] lahat ang naging total," ani QCPD Director Police Brigadier General Nicolas Torre.
Ayon sa pulisya, malakihan ang mga transaksiyon ng suspek na umano ay nagbabagsak ng droga sa lungsod.
"Kumbaga sa ibang street level, well, this is relatively big kasi sampung bulto palagi ang isang pakete eh. Sampung bulto so medyo malaki na," ani Torre.
Nang tanungin kung sino ang mga posibleng parokyano ng suspek, sagot ni Torre: "Ang nakita namin is community, sa immediate surrounding community. Pero hindi naman mawala na meron silang ka-transaksiyon ding, they are confident enough to transact with people that they don't know."
Ito na ang ikatlong beses na naaresto ang suspek. Dati na siyang naaresto dahil sa kasong may kinalaman din sa ilegal na droga.
Samantala, itinanggi naman ng suspek na nagbebenta siya ng droga. Wala rin daw droga na nakuha sa kanya.
Mahaharap ang suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —KG, GMA Integrated News