Itutuloy ng Department of Tourism (DOT) ang paggamit sa bago nitong tourism slogan ''Love the Philippines.''
Inihayag ito ni Tourism Secretary Christina Frasco nitong Miyerkules sa ambush interview sa 2022 Philippine Tourism Satellite Accounts and Tourism Statistics Dissemination Forum.
Sa naturang pagtitipon, tinanong ng mga mamamahayag si Frasco kung gagamitin pa rin nila ang bagong tourism slogan na inilunsad noong June 27.
“I think that is evident,” matipid na sagot ng kalihim.
Sa kaniyang talumpati sa pagtitipon, ilang ulit din na binanggit ni Frasco ang ''Love the Philippines,'' at makikita sa entablado ang logo ng slogan.
Ilang araw matapos ilunsad ang bagong tourism slogan, may mga pumuna kung dapat bang nilagyan ng kuwit pagkatapos ng "Love" (Love, The Philippines).
Naging kontrobersiyal din ang ginamit na stock video footage sa audiovisual presentation ng bagong campaign slogan na mga tanawin na mula sa ibang bansa ang ginamit.
Nitong nakaraang Linggo, sinabi ng DDB Philippines, ang ahensiya na kinontrata ng DOT, na nagkaroon ng "unfortunate oversight" sa pagkakasama ng non-original stock footage sa kanilang audiovisual presentation para ibida ang mga magagandang lugar sa Pilipinas.
Pinutol na ng DOT ang kontrata nila sa DDB Philippines kasunod ng kontrobersiya.
Dahil dito, sinabi ni Senador Nancy Binay, chairperson ng Senate tourism committee, na dapat ibasura ng DOT ang "Love the Philippines" campaign na tinawag niyang "unsalvageable."
"Tourism is a sensitive market. Political unrest, negative media, and people's perceptions influence travelers' decisions. Dahil nga sa nangyari, headline na tayo sa buong mundo. Naging laughing stock na ang slogan, at masyado nang tinamaan ang campaign. Nakakalungkot dahil sa unang tapak pa lamang, imbes na umarangkada ay umatras tayo,” anang senador.
Wala pang reaksyon ang kahilim ng DOT tungkol sa pahayag ni Binay.
Sa kaniyang ulat sa pagtitipon nitong Miyerkules, sinabi ni Frasco na nitong 2022, ang shared Tourism Direct Gross Value Added (TDGVA) sa ekonomiya ng Pilipinas ay tinatayang 6.2%, o P1.38 trillion.
Mas mataas umano ito ng 36.9% kumpara sa P1 trillion na naitala noong 2021.
Samantala, tinatayang nasa 5.35 million naman ang employment in tourism characteristic industries noong 2022, na mas mataas din ng 9.3% kumpara sa 4.90 million noong 2021. —FRJ, GMA Integrated News