Inabangan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagbabalik at saka hinuli ang isa nilang detainee na makalabas ng piitan kasama ang limang bantay para umano makipag-date. Pero ang abogado ng detainee, sinabing nais magpatingin ng kaniyang kliyente na masama ang pakiramdam.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang detainee na si Jose Adrian Dera, na nahaharap sa kasong murder at illegal drugs.
Ayon sa NBI, dakong 8:00 pm nitong Martes nang nakalabas ng kaniyang selda si Dera. Pagsapit ng hatinggabi, inabangan na ng mga tauhan ng NBI ang kaniyang pagbabalik sa compound sakay ng markadong sasakyan ng NBI kasama ang limang bantay.
Kasamang inaresto ang mga bantay ni Dera.
Noong Linggo, nag-joyride din umano si Dera kasama ang girlfriend sa Tagaytay City.
Tumangging magbigay ng pahayag si Dera tungkol sa ginagawa niyang paglabas ng NBI compound.
Pero ang abogado ni Dera na si Atty. Raymond Palad, sinabing nagpatingin ang kaniyang kliyente dahil masama ang pakiramdam nito.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Department of Justice sa insidente na nakasasakop sa NBI.
"[This] has revealed to us that there is this connivance between certain people in detention and those in the NBI that allow for them to temporarily go out of detention center," ayon kay DOJ spokesman Mico Clavano.
"This would not have happened if there was no connivance," dagdag niya.
Inalis na sa puwesto ang hepe ng Security Management Section ng NBI. —FRJ, GMA Integrated News