Makaraang magtago ng dalawang taon, siningil na ng batas ang isang lalaki na inakusahang ilang ulit na gumahasa sa kaniyang menor de edad na kapitbahay. Pero giit ng suspek, hindi niya pinilit ang biktima.
Sa nakaraang episode ng programang "Resibo," sinabing anim na taon na ang nakararaan nang maging magkapitbahay sa Binangonan, Rizal ang 17-anyos na biktima na si “Angel," hindi niya tunay na pangalan, at ang suspek na si Alexander Bautista Estrada, 41-anyos.
Naging kampante ang biktima at ang ate niyang si "Marie," di tunay na pangalan, kay Estrada dahil naging matulungin daw ito sa kanila. Ngunit lumitaw na mayroon umanong maitim na balak ang suspek.
“Kapitbahay namin siya, nagtiwala po kami sa kaniya dahil noong una, gusto niyang tulungan lang kami dahil alam niya naman ang katayuan ng pamilya ko, mahirap lang po. Ang akala ko po ay mabibigyan ng tulong talaga ‘yung kapatid ko, ‘yun pala may kapalit,” sabi ni Marie.
Dahil sa takot sa suspek, hindi raw nagawang makapagsumbong kaagad ang biktima na 15-anyos lang nang mangyari ang krimen.
Lumabas sa medico legal report na positibong hinalay ang menor de edad.
Taong 2021 nang kasuhan ng panggagahasa si Estrada, at inilabas na ang warrant of arrest laban sa kaniya nitong 2022.
Nagkasa ng entrapment operation ang Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group - Detective and Special Operations Unit matapos matuklasan ang hideout ng suspek sa Barangay Silangan, Quezon City.
Nang nakatanggap na ng tawag ang pulisya na nagtungo sa barangay ang suspek, at dito na siya hinuli para sa kinakaharap na kaso na two counts of rape.
Nang kunan ng pahayag, itinanggi ng suspek ang paratang at iginiit na may relasyon sila ng biktima.
Hindi na raw naisip noon ng suspek na menor de edad ang biktima.
"Noong time kasi na iyon gulong-gulo ang isip ko dahil sa una kong naging asawa," sabi ni Estrada.
Itinanggi naman ni Angel na nagkaroon sila ng relasyon ng suspek.
Nang makaharap ni Marie ang suspek, hindi na siya nakapagpigil. Tunghayan ang buong kuwento sa video na ito ng "Resibo."--FRJ, GMA Integrated News