Tila isang malaking tela lamang sa kalayuan sa unang tingin, isa palang sofa ang nakunang lumilipad sa himpapawid sa Ankara, Turkiye.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing ito ang ikinagulat ng kumukuha ng video na si Onur Kalmaz.
Nanggaling umano ang "flying sofa" sa balkonahe ng isang 35-storey apartment building sa Cankaya district.
Napalipad ang sofa dahil sa pananalasa ng malakas na bagyo sa lugar.
Ikinuwento ni Kalmaz na hawak niya ang kaniyang cellphone noong mga sandaling iyon para suriin ang kaniyang sasakyan nang makita ang lumilipad na sofa.
Patungo ito sa kaniyang direksyon kaya naisipan niya itong kunan ng video.
Matapos liparin sa ere, tumama ang sofa sa mga gusali bago tuluyang bumagsak sa isang garden.
Wala namang nasaktan sa kabutihang palad sa pagbagsak ng naturang sofa.
“No one was hurt, but we were pretty scared,” sabi ni Kalmaz.
Nanalasa ang malakas na bagyo sa Ankara kaya bumagsak ang maraming puno at pagkasira ng ilang tirahan.
Nagpaalala si Ankara Mayor Mansur Yavas sa mga residente na mag-ingat dahil sa malakas na pagbayo ng hangin at posibilidad ng flash floods.
“According to the data obtained from meteorology, the wind in Ankara is expected to reach up to 78 km per hour. I beg you to take action,” sabi ni Mayor Yavas. —LBG, GMA Integrated News