Nadakip ng mga pulis ang 44-anyos na lalaking pinaghahanap dahil sa umano’y pang-aabuso nito sa menor de edad na anak ng kaniyang kinakasama.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing naaresto ng mga awtoridad ang suspek sa Quezon City dahil na rin sa ibinigay na impormasyon ng mga kapitbahay.

“Mabigat po yan, in relation yan sa Republic Act 7610. ‘Yung suspek, inabuso yung anak ng kanyang kinakasama,” ani Police Lieutenant Olivia Sagaysay, Criminal Investigation and Detection Group-Detection and Special Operations Unit (CIDG-DSOU).

Natunton ng mga awtoridad ang suspek matapos na isumbong ng kaniyang mga kapitbahay dahil daw sa kahina-hinalang ikinikilos nito.

“From there, tumawag ito sa ating opisina, at sinabi yung whereabout ng suspek,” ani Sagaysay.

Nakadetine na sa Anonas Police Station ang suspek, na hindi nagbigay ng pahayag sa alegasyon.

Payo ni Sagaysay sa mga magulang, "Sa mga nanay po natin, lalo na kung mayroon tayong mga dalaginding, o anak na mga babae, maging conscious naman tayo kung sino ang mga kasama natin sa bahay.” --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News