Nananawagan ng hustisya ang mga animal lover sa sinapit ng dalawang aso na Staffordshire bull terrier na binaril at napatay ng Metropolitan police sa London, United Kingdom.
Sa ulat ng Doncaster Free Press, sinabing pag-aari ng 46-anyos na homeless man na si Louie Turnbull ang mga aso na sina Marshall at Millions.
Binaril ang pulis ang mga aso dahil sa sumbong na may babae umanong inatake ang mga ito. Samantala, ginamitan naman ng taser si Turnbull, at inaresto sa reklamong pag-aalaga ng mapanganib na mga aso.
"They pulled out all their weapons. They were intimidating me and the dogs. And all they were doing was trying to protect me," sabi ni Turnbull sa mga animal advocate na nagprotesta sa harap ng Scotland Yard nitong unang bahagi ng Mayo.
"I had them on the lead, I was pulling them away and they just murdered them. I can't sleep," dagdag niya.
Bukod sa mga protesta, may online petition din para sa panawagan na magkaroon ng imbestigasyon at mabigyan ng hustisya sina Marshall at Millions.
"This is not the first time this has happened with people's beloved pets and us the public want more stringent rules into the way that these situations are handled, I believe this situation could [have] been handled very differently!" ayon sa Kerry Anne Zealey, petition organizer.
May mahigit 64,000 na ang lumagda sa petisyon.
Nag-trending din ang "Marshall and Millions" sa Philippine Twitter nitong Huwebes, bilang pakikisimpatiya ng mga Pinoy Filipino animal lover sa nangyari sa mga aso.
Sa Cebu City, may isang pamilya rin ang nananawagan ng hustisya para sa lima nilang alagang aso na namatay matapos umanong lasunin.—FRJ, GMA Integrated News