May panibagong insidente ng pamamaril sa Amerika na nangyari sa loob ng isang paaralan sa Nashville, Tennessee. Anim ang nasawi, kabilang ang tatlong bata. Patay din ang suspek na isang 28-anyos na babae.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nangyari ang insidente sa isang private Christian school. Dati umanong estudyante sa paaralan ang suspek na si Audrey Elizabeth Hale, residente rin sa Nashville.
Pawang siyam na taong gulang ang mga batang nasawi na sina Evelyn Dieckhaus, Hallie Scruggs, at William Kinney. Nasawi rin ang empleyado sa paaralan na sina Mike Hill, 61, school custodian; Cynthia Peak, 61, substitute teacher; at Katherine Koonce, 60, na nakatala sa Covenant school website bilang "head of school."
Hindi pa tukoy ng mga awtoridad kung bakit ginawa ni Hale ang pag-atake.
Pero may nakita umano sa suspek na detalyadong mapa ng paaralan, ayon kay Police Chief John Drake.
Sinabi naman ni police spokesperson Don Aaron, na nakatanggap ng tawag ang Metropolitan Nashville Police Department tungkol sa insidente ng pamamaril sa paaralan dakong 10:13 a.m.
Nang dumating ang mga pulis sa paaralan, nakarinig umano ang ito ng mga putok ng baril sa ikalawang palapag ng gusali.
Napatay ng mga awtoridad ang suspek dakong 10:27 a.m.
"The police department response was swift," sabi ni Aaron.
Ayon kay Drake, armado si Hale ng isang semi-automatic rifle [mahabang baril] at dalawang handgun.
Nakapasok umano si Hale sa paaralan sa pamamagitan ng pagdaan sa isang bintana na kaniyang pinaputukan.
Kasunod ng pangyayari, muling nanawagan si US President Joe Biden sa mga mambabatas na ipasa na ang batas na maghihigpit sa pagmamay-ari ng baril.
"It's sick," sabi ni Biden na nais higpitan ang patakaran tungkol sa pagkakaroon ng assault-style weapon sa mga sibilyan. "We have to do more to stop gun violence. It's ripping our communities apart, ripping the soul of this nation.
Noong nakaraang taon, 19 na batang estudyante at dalawang guro ang nasawi nang mamamaril sa loob ng isang paaralan sa Texas ang isang 18-anyos na suspek. —Reuters/FRJ, GMA Integrated News