Inihayag ng isang abogado na hindi magtatago at haharapin umano ni Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr., ang mga alegasyon na ibinabato sa mambabatas pati na ang ilang kaso ng pagpatay sa kaniyang lalawigan na ibinibintang sa kaniya.
“Ang ina-assure niya po sa akin ay haharapin niya po itong mga kasong ito and titingnan lang po natin kasi masyadong mabilis naman po yung developments,” ayon kay Atty. Ferdinand Topacio sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Biyernes.
Nang tanungin si Topacio kung hindi magtatago si Teves, tugon niya, “Oo naman po [hindi]."
Nasa Amerika si Teves at nakikipag-ugnayan umano si Topacio sa pag-uwi ng kongresista sa bansa.
Batay sa dokumento mula sa Office of the House Secretary General Reginald Velasco, nakasaad na pinayagan si Teves na bumiyahe mula February 28 hanggang March 9 para sa personal nitong lakad.
Nauna nang sinabi ni Teves na may kaugnayan sa kaniyang kalusugan ang pagpunta niya sa Amerika.
Sabi ni Topacio, “Opo, nakikipag-ugnayan po kami sa kaniya kasi alam niyo po for medical reasons po kasi yung kanyang biyahe at tinitignan po namin kung maaari [na] siyang makabalik.”
Nitong Martes, nagsampa ng three counts of murder case laban kay Teves ang Criminal Investigation and Detection Group. Kaugnay ito sa patayan noong 2019 na inaakusahan na siya ang mastermind.
Nitong Biyernes ng umaga, sinalakay ng mga pulis ang limang bahay, ilan dito ay kay Teves, para maghanap ng mga baril. Ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos, may kaugnayan sa 2019 incident ang ginawang pagsalakay.
Nitong Huwebes, binanggit ng nadakip na suspek sa nangyaring pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Sabado, na isang “Cong Teves” ang nasa likod ng pagpatay sa lokal na opisyal.
Kasalukuyang kongresista ng Negros Oriental si Arnie Teves. Naging dating kongresista rin ng lalawigan ang kapatid niya na si dating Bayawan City Mayor Pryde Henry Teves.
Pero tumakbong gobernador si Pryde noong nakaraang 2022 elections at nakalaban si Degamo.
Bagaman nanalo si Pryde sa halalan, nabaliktad ang resulta nito nang idiskuwalipika at ideklarang "nuisance" ng Commission on Elections ang isa pang kandidato sa pagka-gobernador na si Grego “Ruel” Degamo.
Ibinigay ng Comelec ang mga botong nakuha ni Grego kay [Roel] Degamo, na nagpataas sa kaniyang boto laban kay Pryde. Dahil dito, si Degamo ang ideklara ng Comelec na tunay na panalo ilang buwan matapos ang May 2022 elections.
Nitong nakaraang Pebrero, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na umaayon sa desisyon ng Comelec pabor sa pagkapanalo ni Degamo.
READ: SC upholds victory of Negros Oriental governor
Sa nakaraang pahayag, sinabi ni Cong. Teves, na wala silang kinalaman ng kaniyang kapatid sa nangyaring pagpatay kay Degamo.
Sinabi naman ni Topacio, na wala pa silang natatanggap na subpoena mula sa Department of Justice kaugnay sa reklamong may kinalaman sa nangyaring insidente ng patayan noong 2019.
“Sapagkat as far as we are concerned, until and unless we get a subpoena mula sa ating DOJ or any prosecution’s office, there is still no case at this time,” ani Topacio.
“Actually, yung Degamo po there is still no case kasi wala pa pong... hindi pa nga nag-start yung proseso. Marami lang pong ano nagsasabi na ganito at ganon but at this point these are all conjectures, these are all opinions eh wala pa pong factual basis para sabihin o may kaso man lang si Congressman Teves,” paliwanag ng abogado. --FRJ, GMA Integrated News