Nadakip ang isang 28-anyos na lalaki na nanloloob umano sa iba’t ibang bahay at nakatangay na ng halos P500,000 halaga ng pera at mga kagamitan sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood ang pasilip-silip ng suspek bago pumasok sa isang compound sa Brgy. 72 sa Tondo.
Ilang saglit pa, lumabas na ang lalaki na may dala nang isang pouch na may lamang nasa P150,000.
Kinilala ang suspek na si Christian Capili, na natukoy dahil sa violet niyang buhok, matapos tumawag ang isang concerned citizen.
Lumabas sa imbestigasyon na hindi lang isang bahay ang kaniyang nilooban.
Nakuha mula sa kaniya ang nasa P70,000 cash at apat na relo, at nadiskubre ang iba pang krimeng kaniyang kinasasangkutan.
Ayon pa sa pulisya, nakunan din ng drugs ang suspek.
“Dala lang po ng kawalan ng trabaho dito sa Pilipinas. Nataymingan ko lang na bukas ‘yung pintuan nila. Hindi ko rin po sinasadya,” sabi ng suspek.
“Salamat po sa pagkakataon na binigay nila at hindi po nila ako pinabayaan. Hayaan po nilang pagbayaran ko ‘yung ginawa kong kasalanan dito sa loob ng kulungan. Salamat po. Gagawin ko po itong bagong pag-asa,” sabi pa ni Capili, na kakasuhan ng robbery at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —LBG, GMA Integrated News