Ibabalik na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang expanded number coding scheme sa National Capital Region (NCR) sa Martes, Marso 7, 2023.
Sa press briefing nitong Lunes, sinabi ni MMDA acting chairman Romando Artes na hindi na palalawigin pa ang pagsuspinde sa number coding dahil nananatiling mabigat ang daloy ng trapiko kahit pa may isinasagawang isang linggong tigil-pasada ang ilang transport group.
“Ang pamunuan po ng MMDA ay nag-decide na hindi na po palawakin 'yung number coding scheme suspension,” anang opisyal.
Sinuspinde ng MMDA ang number coding ngayong Lunes dahil sa pagsisimula ng week-long transport holiday ng ilang grupo na tutol sa public utility vehicle (PUV) Modernization Program.
Ayon kay Artes, napansin nila na mabigat pa rin ang daloy ng trapiko ngayong Lunes kahit suspindido ang number coding na dahilan kaya mabagal din ang balik ng mga pumapasadang public utility vehicles.
Sabi pa ni Artes, hindi naparalisa ng transport strike ang transport system sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA General Manager Undersecretary Procopio Lipana, na 88 lang ng 1,600 augmented vehicles ang ipinalabas para tulungan ang mga pasaherong naapektuhan ng transport strike. —FRJ, GMA Integrated News