Isang fraternity neophyte na nakasabayan ni John Matthew Salilig ang lumitaw at positibong tinukoy ang anim na persons of interest sa hazing ng estudyante ng Adamson University na humantong sa kaniyang pagkamatay.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes, inihayag ni Roi dela Cruz na sabay silang sumailalim ni Salilig sa initiation at welcome rites sa Biñan, Laguna.
Ayon sa ulat, nagtungo si Dela Cruz sa Biñan Police Miyerkoles ng gabi at tinukoy ang anim na persons of interest na inimbita sa estasyon para magbigay ng kani-kanilang pahayag tungkol sa nangyaring hazing.
Sinabi ni Dela Cruz na habang isinasagawa ang initiation rites, narinig niyang may nagtatanong kay Salilig kung ayos lamang ito, habang sinabi naman ng chemical engineering student na “Okay lang ako.”
Ayon kay Dela Cruz, sinabihan siya ng kaniyang mga recruiter na tatanggap lamang siya ng 12 hanggang 24 na palo sa kaniyang initiation rites dahil mayroon nang batas laban sa hazing.
Gayunman, sinabi ni Dela Cruz na nakatanggap siya ng nasa 70 na palo. Bukod dito, nagpatak din ang mga suspek ng wax mula sa kandila sa kaniyang katawan at tinanggal ito sa pamamagitan ng paghataw sa kaniya gamit ang sinturon.
Batay sa autopsy, "severe blunt force in the lower extremities" ang sanhi ng pagkamatay ni Salilig, ayon sa ulat.
“Lahat po full swing pero may isang nagbigay po ng... Iniisip ko na what if mag-quit na lang ako kasi baka mamatay ako baka hindi ko kayanin. Siguro mga 20, parang ayoko na. Masakit po talaga,” sabi ni Dela Cruz.
‘Case solved’
Isa sa persons of interest na kinilala ni Dela Cruz ang leader ng Tau Gamma Phi - Adamson University chapter na si Tung Cheng Teng Jr.
Itinuring ni Biñan Police acting chief of Police Lieutenant Colonel Virgilio Jopia ang kaso bilang “solved."
“By the arrest of the most or officers of this fraternity chapter, we can consider this case solved, but not case closed. I am convinced we have an airtight case,” sabi ni Jopia.
Natunton din ng pulisya ang bahay sa Barangay Casile sa Biñan kung saan naganap ang hazing. Ayon sa pulisya, tinukoy nina Dela Cruz at ng isa pang saksi ang bahay na napaulat na pag-aari ng mga magulang ng isa sa mga miyembro ng fraternity.
Ayon sa pulisya, ipinagpaalam ng persons of interest sa mga miyembro ng Tau Gamma sa Biñan ang lugar ng initiation at welcome rites dahil wala silang mahanap na lugar sa Maynila.
Hinahanap pa ng mga pulis ang sagwan na ginamit kay Salilig, bagama’t sinabi ng isang saksi na sinunog na ito.
Sumailalim sa inquest proceedings sa Department of Justice ngayong Huwebes ang anim na nadakip na miyembro ng fraternity dahil sa paglabag sa anti-hazing law.
Walong iba pang persons of interest ang patuloy na tinutugis, ayon sa pulisya.
Pursigido ang pamilya ni Salilig na magsampa ng kaso laban sa mga persons of interest, lalo pa’t maaari naman nilang dalhin ng mga miyembro ng fraternity si Salilig sa isang ospital.
“Hindi makatao ang ginawa ng grupong ito. I would say inhuman. Inabuso nila yung anak ko in the first place. When I saw the picture of my son doon sa grave kung saan nila tinapon yung anak ko talagang I was really hurt," saad ni Jeofrey Salilig, ama ng biktima.
Sa hiwalay na ulat ni John Consulta sa Unang Balita, sinabing nakakuha ang pulisya ng CCTV footage kung saan makikita si Salilig sa loob ng isang bus patungo sa Biñan noong Pebrero 18.
Makikita rin sa kuha ng CCTV ang dalawa sa mga suspek na sakay ng isang motorsiklo na may dala-dalang hinihinalang paddle.
Isang SUV na ginamit sa transportasyon ng mga miyembro ng fraternity ang natagpuan sa bahay ng mga magulang ng isa sa mga suspek na si Aaron Cruz, sa Parañaque City. Ito ay na-tag bilang ebidensya ng pulisya.
Ayon sa pulisya, nakaupo si Salilig sa pampasaherong gilid ng SUV at nang mapansin ng mga suspek na wala na itong buhay, inilipat nila ito sa compartment ng pangalawang sasakyan.
Nagsampa ang pulisya ng reklamong obstruction of justice laban sa ama ni Cruz.
Sa hiwalay na ulat ni Chino Gaston sa Unang Balita, sinusuri na ngayon ng pulisya kung may person of interest na naninirahan sa Imus, Cavite, lalo’t doon natagpuan ang bangkay ni Salilig.
Nagsuot ng itim ang mga estudyante ng Adamson University nitong Miyerkoles bilang pakikiramay sa pamilya ni Salilig. Nagsagawa rin ng requiem Mass ang student government para sa kaniya. — VBL, GMA Integrated News