Ipinatawag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Chinese Ambassador Huang Xilian para ipahayag ang kaniyang pagkabahala sa ginagawa ng China laban sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard at mga mangingisdang Filipino sa West Philippine Sea.
Inihayag ito ng Presidential Communications Office nitong Martes ng hapon.
Pinakahuling insidente ang paggamit ng Chinese Coast Guard ng military-grade laser sa sasakyang pandagat ng PCG sa Ayungil Shoal.
Naghain na rin ng protesta ang Department of Foreign Affairs kaugnay sa nangyaring insidente.
Nangyari umano ang panunutok ng Chinese ship ng “military-grade” laser light sa Philippine Coast Guard noong Pebrero 6, na tumutulong sa Philippine Navy rotation and resupply mission.
Pero iginiit ng China na ang PCG vessel ang nanghimasok sa kanilang teritoryo “without Chinese permission.”
Dati nang inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, maging ang sakop ng Pilipinas.
Pero sa inilabas na desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016, ibinasura nito ang naturang pag-akin ng China.
Nagpahayag naman ang Amerika ng suporta sa Pilipinas, at nagdeklara na, “an armed attack on Philippine armed forces, public vessels, or aircraft, including those of the Coast Guard in the South China Sea, would invoke US mutual defense commitments under Article IV of the 1951 US Philippines Mutual Defense Treaty.” --FRJ, GMA Integrated News