Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na si Brigadier General Jesus Durante III ang utak umano sa paglikida sa negosyante at modelong si Yvonette Plaza noong December 2022. Kasabwat umano ng heneral sa krimen ang anim na sundalo.
Sa ulat ng GMA Super Radyo Davao's Jaycel Villacorte sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabing inilahad ng Special Investigation Task Force Plaza, ang mga detalye sa krimen sa ginanap na pulong balitaan sa Davao City.
Sinabi umano ni Region XI police chief Police Brigadier General Benjamin Silo, na ang nangyari kay Plaza ay "crime of passion."
Sinusubukan pa ng GMA Super Radyo Davao na makuha ang komento ng suspek.
Pero dati nang itinanggi ni Durante, dating namuno sa Presidential Security Group (PCG), na may kinalaman siya sa nangyari kay Plaza na kaibigan umano niya.
Sa Manila, sinabi ni Philippine Army chief Lieutenant General Romeo Brawner Jr., na inalis na sa kaniyang puwesto si Durante bilang commander ng 1001st Brigade habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.
"The Philippine Army will not condone any criminal act committed by its personnel," ayon kay Brawner.
"As such, BGen Jesus Durante has been relieved as Commander of the 1001st Brigade, after being named as a person of interest in the murder of Yvonnette Chua Plaza, to give way to an impartial and thorough investigation," dagdag ni Brawner.
Binaril ng riding in tandem si Plaza sa labas ng tinutuluyan niyang bahay sa Davao City noong Disyembre 2022.
Nakuhanan ng CCTV camera ang riding in tandem na lumabas umano na mga sundalo. Nakuha rin ang ilang gamit na tinangay ng mga salarin sa biktima.
Matapos nito, nadawit ang pangalan ni Durante batay sa lumabas na mga post sa social media. Pero ayon sa heneral, Abril 2022 pa ang lumatang na post na sinasabing sinaktan niya si Plaza.
"Yvonne was a friend. My name is being dragged based on an FB post made last April 2022 wherein I allegedly hurt her. She later retracted the post and issued a statement that I did not in any way harm her," ani Durante sa naunang pahayag.
"I am deeply saddened by her demise and condole with her family and friends. I, myself, demand justice for Yvonne," patuloy niya.—Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News