Asahan ang pagsipa ng presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa oil industry source ng GMA News Online nitong Biyernes.
Batay umano sa resulta ng kalakalan sa krudo sa pandaigdigang merkado nitong nakalipas na apat na araw (January 16 to 19), maglalaro umano sa P1.80-P2.00 per liter ang posibleng itaas sa presyo ng diesel.
Samantala, mas mataas naman ang inaasahang dagdag sa presyo ng gasolina na nasa P2.40-P2.60 per liter.
Karaniwang inihahayag ng oil companies ang price adjustments sa mga produktong petrolyo tuwing Lunes, at ipatutupad ito sa susunod na araw (Martes).
Nitong nakaraang Martes, tumaas ang presyo ng gasolina na nadagdagan ng P0.95 per liter, habang P0.50 per liter naman ang iniangat ng diesel.
Ngayong taon, P3.10 per liter na ang kabuuang itinaas sa presyo ng gasolina at nagkaroon naman ng net decrease na P0.20 per liter ang diesel. — FRJ, GMA Integrated News