Nanawagan sa pamahalaan ang mga magsasaka sa San Jose, Occidental Mindoro na itigil ang pag-angkat ng sibuyas mula sa ibang bansa dahil magsisimula na ang pag-ani sa kanilang mga produkto.
Sa panayam ng GMA News' Unang Balita nitong Martes, sinabi ni San Jose municipal agriculturist Romel Calingasan, na nangangamba sila na baka bumagsak sa P8 hanggang P15 per kilo ang presyo ng sibuyas.
Ganito umano ang nangyari noong nakaraang taon nang isabay ang pag-angkat ng sibuyas sa panahon ng anihan ng mga lokal na magsasaka.
"Actually, kami sa kasalukuyan ngayon dito sa Occidental Mindoro, ay kasalukuyang nasa peak season ng pagtatanim. Kitang-kita ko po ang enerhiya, ang pagiging agresibo ng aming magsasaka na magtanim ng sibuyas dahil mataas ang presyo sa merkado," ani Calingasan.
"Subalit bigla itong nawala… biglang nawala sa momentum ang aming magsasaka dahil sa nabalitaan nga po na mag-i-import na naman ng sibuyas ang national government kaya mariin naming tinututulan ito dahil ito na naman ang magpapadapa sa ating magsasakang Pilipino," dagdag niya.
Nitong Linggo, ipinagtanggol ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang desisyon na mag-angkat ng sibuyas. Aniya, walang ibang magagawa ang pamahalaan dahil sa kakulangan umano ng suplay ng sibuyas na nagpapataas sa presyo nito.
Kasabay nito, nanawagan din si Calingasan sa pamahalaan na i-regulate ang presyo ng sibuyas sa merkado.
"Atin pong i-regulate itong pagbentahan ng sibuyas sa merkado para mas maraming consumers at mamamayan nating nating Pilipino ay makinabang din po. Pero mariin inaano namin 'yung sobrang pagtaas. 'Yung P500 to P700 per kilo ay sobrang kalabisan na po 'yan," aniya.
Sa Senate hearing nitong Lunes, inihayag ni Calingasan ang pagkadismaya nang malaman na nasa P8 hanggang P15 per kilo ang farm gate price ng sibuyas sa panahon ng anihan, at ibinebenta sa merkado sa Metro Manila sa halagang P700 per kilo sa pagtatapos ng taon.
Sa ngayon, ayon kay Calingasan, ang farm gate price ng sibuyas sa kanilang lugar ay nasa P200 hanggang P250 per kilo. Sa naturang presyo, maaaring ipasa sa merkado ang produkto sa halagang P270/kg sa Metro Manila. —FRJ, GMA Integrated News