Hindi bababa sa 68 katao ang nasawi--kabilang ang tatlong sanggol at tatlong maliliit na bata-- nang bumagsak ang isang eroplano ng Yeti Airlines sa Pokhara, Nepal nitong Linggo.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing bumagsak ang twin-engine ATR 72 aircraft sa Seti River Gorge na malapit sa paliparan.
Makikita sa isang video ang mababang paglipad ng naturang eroplano. Maya-maya pa, dumagundong ang malakas na tunog at makikita ang makapal na usok mula sa bumagsak na eroplano.
Paghupa ng apoy, makikita ang nagkalat na bahagi ng eroplano. Naging pahirapan naman ang pagbaba sa burol ng mga rescuer.
Nakuha ang mga labi ng 68 nasawing pasahero habang hinahanap ang iba pang sinasabing sakay nito.
Sabi ng mga awtoridad, nawalan ng contact ang eroplano sa airport, 18 minuto matapos nitong mag-takeoff sa Kathmandu.
Ayon sa pahayag ng kanilang civil aviation authority, 72 ang lahat ng sakay sa eroplano, kabilang tatlong sanggol, tatlong maliliit na bata at may mga banyaga.
Sinabi ng gobyerno ng Nepal, na ito ang pinakamalalang plane crash sa kanilang bansa sa nakalipas na tatlumpung taon.
Ito rin daw ang ikatlong pinakamadugong plane crash sa kanilang kasaysayan.
Nagpatawag ng emergency cabinet meeting ang kanilang prime minister para maging mabilis at masusi ang imbestigasyon.
May binuo ring komite para matukoy ang sanhi ng plane crash at kailangan nilang magsumite ng report sa loob ng 45 araw.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News