Anim na katao ang nasawi sa pagkahulog ng isang pampasaherong bus sa isang tulay na mahigit 131 talampakan ang taas sa Spain. Ang mga pasahero, galing raw sa isang piitan matapos bisitahin ang mga nakakulong nilang kaanak bago mag-bisperas ang Pasko.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing isang babaeng pasahero at ang 63-anyos na driver lang ang nakaligtas mula sa aksidente.
Ayon sa mga awtoridad, sinabi sa kanila ng driver na siyam ang kanyang sakay, pero walo lang ang naitala ng mga rescuers batay sa missing person report ng mga kaanak ng pasahero.
Lahat ng mga napaulat na nawawala ay wala nang buhay nang makuha ng rescuers.
Kuwento ng emergency services, una silang inalerto ng isang napadaan sa tulay.
Hindi raw nito nakita ang nangyari pero napansin daw niyang nasira ang harang ng tulay.
Hindi nagtagal, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang pasaherong nasa loob ng bus at sinabing napupuno na noon ng tubig ang sasakyan.
Hindi malinaw kung nakaligtas ang naturang caller.
Samantala, naging pahirapan ang rescue operations dahil mataas noon ang tubig sa ilog at malakas ang agos nito dahilan para suspendihin ang operasyon.
Nasa 131 feet ang taas ng tulay at nangyari ang aksidente bandang 9 p.m. sa gitna ng malalakas na pag-ulan.
Marami sa mga pasahero ang galing sa isang piitan matapos bisitahin ang mga nakakulong nilang mahal sa buhay bago mag-bisperas ng Pasko.
Palaisipan pa rin sa mga awtoridad ang ugat ng aksidente habang nagnegatibo naman sa alak at droga ang driver.