Naibalik na ang marami sa artifacts na may mahigit 4,000 dyamante sa Gruenes Gewoelhe o “Green Vault Museum” sa Dresden, Germany makalipas ang tatlong taon matapos itong nakawin.
Pero ang pinakamahalagang items sa koleksyon hindi pa rin daw nahahanap.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing pinasok ng mga magnanakaw noong November 25, 2019 ang naturang museum at kanilang natangay ang 31 piraso ng artifacts na may 4,300 diyamante.
Nasa $120 million ang halaga ng mga ito o katumbas ng mahigit P6.6 billion.
Ayon sa imbestigasyon, nilagari ng mga magnanakaw ang bintana ng museum kaya sila nakapasok at nakalusot sa security.
Noong Dec. 17 matapos ng tatlong taon, mistulang nagkaroon daw ng ‘Christmas miracle’ dahil naibalik sa museum ang ninakaw na koleksyon.
“Last night, 31 individual pieces were secured in Berlin, including some that appear to be fairly complete. This included the breast star of the Polish Order of the White Eagle and a hat ornament, the so-called Heron’s Pride,” saad ni Dresden Prosecution Spokesperson Juergen Schmidt
“The seizure was secured by special forces of the Dresden Police Department. The pieces have been returned to Dresden in the meantime,” dagdag pa ni Schmidt.
Aniya pa, bunga raw ito ng negosasyon ng prosecutor at defense lawyers ng anim na akusado sa pagnanakaw.
Pero may mga misteryoso pang hindi nareresolba dahil patuloy na nawawala ang ilang mahalagang item sa koleksyon kabilang ang isang epaulet na naglalaman ng Dresden White Diamond.
Noong Dec. 25, sinisid ng mga pulis ang Berlin Canal para maghanap ng clues na makakapagturo kung nasaan ang nawawalang items.
Mahigpit ang mga awtoridad sa pagbibigay ng detalye pero sinabi nilang posibleng abutin ng ilang araw ang kanilang pagsisid.
Nasa kustodiya na ng mga pulis ang anim na itinuturong nasa likod ng pinakamalaking pagnanakaw sa Germany.
Dalawa sa kanila ay sangkot sa pagnanakaw sa Big Maple Leaf, isang gold coin na 100 kilograms ang bigat at nagkakahalaga ng mahigit P219 billion. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News