Nasabat ng mga awtoridad ang mahigit P20 milyong halaga ng umano'y shabu sa Taguig City mula sa isang mag-asawa.
Sa Ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nakumpiska ng mga pulis ang aabot sa P20.4-milyong hinihinalang shabu mula sa isang mag-asawang nagtangka umanong tumakas sa isang checkpoint.
Sa ulat ni Nico Waje, sinabing pasado hatinggabi nang dumaan sa checkpoint ng Police Substation 7 ng Taguig City and isang kotse.
Pero, imbes umano na huminto, nilagpasan nito ang checkpoint kaya hinabol sila ng mga awtoridad.
Nang maabutan at inspeksyunin ang kotse, tumambad sa mga police ang nasa tatlong kilong umano'y shabu na may kabuuang halaga na P20.4M.
Inaresto ng mga pulis ang mag-asawa, na bitbit pa umano ang isa nilang anak.
Sa pakikipag-usap ng mga pulis, sinabi ng mga suspek na napag-utusan lamang daw silang magdala ng droga.
Ngunit sa inisyal impormasyon ng mga awtoridad, pangatlong beses na itong pagde-deliver ng mga suspek.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga pulis kung sino ang maaaring masmalaking source ng droga ng mga suspek. —LBG, GMA Integrated News