Ipinagpaliban ng komite ng Commission on Appointments (CA) ang pagdinig sa nominasyon ni Erwin Tulfo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa usapin ng kaniyang citizenship at ang mga kasong libelo.

Ayon kay CA Majority Leader Representative Luis Raymund Villafuerte, may mga kailangan pang linawin tungkol sa mga usapin na kinakaharap ni Tulfo.

"May mga katanungan ang mga members ng CA. May report which was provided sa CA members so we want futher clarifications on some of the issues there," paliwanag ni Villafuerte sa mga mamamahayag nitong Martes.

Ipinagpaliban ang pagdinig sa kompirmasyon ni Tulfo dahil nakapila pang talakayin din ng CA ang nominasyon ni Manuel Bonoan bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways.

"Meron pa kaming ita-tackle ngayon si Secretary Bonoan. So imbes na humaba yung deliberation, we decided to defer for the moment pending further requirements submissions ng mga tanong ng members ng commission," sabi ni Villafuerte.

Sa naturang pagdinig ng CA, tinanong ni Caloocan Rep. Oscar Malapitan, si Tulfo kung isinuko nito ang Filipino citizenship nang maging miyembro siya ng United States Army noong 1988.

Hiniling ni Tulfo na sasagutin niya ang tanong sa executive session, na pinagbigyan naman ng komite.

Sinundan pa ito ng pahayag ni SAGIP Rep. Rodante Marcoleta, tungkol sa pagiging miyembro ni Tulfo ng US Army ng ilang taon.

"It's about your being an enlisted personnel of the United States Army for several years and you have been in active military service stationed in Europe from 1992 to 1996," ani Marcoleta.

"Correct me if I'm wrong, but to me, an enlisted personnel in the US army, you are a citizen by birth. You are a US citizen, or you have acquired your citizenship by naturalization," dagdag niya.

Inusisa rin ni Marcoleta ang tungkol sa hatol ng Pasay Regional Trial Court sa mga kasong libelo laban kay Tulfo.

Ani Tulfo, guilty ang hatol sa kaniya ng Pasay RTC sa four counts of libel, at iniakyat niya ito sa Court of the Appeals.

Giit ni Marcoleta, pasok sa "moral turpitude" ang kasong libelo na nagsasaad na maaaring hindi kalipikadong umupo sa puwesto sa gobyerno ang mga may ganitong kaso.

"In some other cases disposed by the Supreme Court, there were certain people who were disqualified from holding positions because they have been convicted of crimes involving moral turpitude," ani Marcoleta.

Hirit naman  ni Senador Francis Escudero, mayroong nakabinbin na panukalang batas na naglalayong i-decriminalize na ang kasong libelo.

Sinabi pa ni Escudero na "prejudicial and unfair" na gamitin ang naturang isyu kay Tulfo kung sakaling maaprubahan ang naturang panukala.

Sa ambush interview, sinabi ni Tulfo na isa na siyang Filipino citizenship ngayon. Naging American citizen umano siya noong 1988.

"I brought the documents with me because I know that they will be asking me (about the citizenship) but I'm prepared," pahayag ni Tulfo.

Ayon pa sa kalihim, ang citizenship issue ay hindi tungkol sa kaniyang pagsanib sa US Army. Pero hindi niya sinabi kung ang dahilan kung bakit siya naging US citizen.

Idinagdag pa ni Tulfo na pag-uusapan ng CA panel kung kasama ang appointive position sa mga opisyal na hindi puwedeng humawak ng posisyon sa gobyerno dahil sa kinaharap na kasong pasok sa "moral turpitude," gaya ng ipinatutupad sa mga halal na opisyal. — FRJ, GMA Integrated News