Balisa at nanginginig ang isang empleyado ng tindahan ng burger matapos mangholdap at manutok ng baril ang isang lalaki na nagpanggap na customer sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Sa ulat ni Bam Alegre sa “Unang Balita” nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV ng tindahan na nakasuot ng cap at jacket ang suspek.

Iwinawasiwas ng suspek ang isang puting plastic, hanggang sa bumunot na siya ng baril.

Nabalisa ang babaeng empleyado ng tindahan kaya inilagay na niya ang pera na kinita ng tindahan sa plastic. Matapos nito, naglakad na papalayo ang suspek.

Hindi pa nakababalik ang biktima sa kaniyang trabaho dahil sa trauma.

Tiniyak ng Barangay Commonwealth na paiigtingin pa nila ang pagpapatrolya sa lugar, at handa rin silang tulungan ang biktima na magreklamo sa pulisya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News