SOJ Remulla kay suspended BuCor Dir Gen Bantag: maghain ng counter-affidavit, huwag interview sa media @dzbb pic.twitter.com/RbfSNp9tiy
— Manny Vargas (@VargasMannysen) November 9, 2022
Hinikayat ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Miyerkoles ang suspendidong hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gerald Bantag na maghain ng counter affidavit, sa paniniwalang nasa Pilipinas pa ang mastermind umano sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
“I would say so because remember they’re government officials,” sabi ni Remulla sa mga mamamahayag nang tanungin kung nasa bansa pa si Bantag.
“Hindi ka puwedeng umalis ng Pilipinas kapag wala kang (You cannot leave the Philippines without) travel authority. Unless they secured passports that did not reflect their true professions,” dagdag ni Remulla.
Nanawagan din siya kay Bantag na maghain ng counter affidavit at sinabihang huwag tumugon sa mga alegasyon sa pamamagitan ng media.
“Sana sumagot sila ng counter affidavit. Huwag sila sa media sasagot. Mag-counter affidavit sila. 'Yan ang proseso ng batas natin e. Igalang nila ang batas. Alagad sila ng batas tapos ganyan sila magsalita, 'di ba?” anang Justice Secretary.
“Walang drama-drama. Face it like a man. Kung 'di ka lalaki, if you cannot face it, then what are you? Face it. Ang dami-daming drama,” dagdag ni Remulla.
Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkoles na nasa Pilipinas pa sina Bantag at opisyal ng BuCor na si Ricardo Zulueta, ang mga itinuturong utak umano sa planong pagpatay kay Lapid.
Nagsampa pa na ng mga reklamong murder ang NBI at ang Philippine National Police noong Lunes laban kina Bantag, Zulueta, at iba pa sa pagpatay kay Lapid, at sa umano'y middleman na si Jun Villamor (Cristito Villamor Palaña), isang person deprived of liberty sa New Bilibid Prison (NBP), na pinamamahalaan ng BuCor.
Binaril si Lapid sa Las Piñas City noong Oktubre 3. Si Villamor naman ay pinatay sa loob ng NBP.
Lumabas sa autopsy na isinagawa ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun na may “history of asphyxia by plastic bag suffocation" ang mga labi ni Villamor.
Sinabi ni NBI supervising agent Atty. Eugene Javier na sinisikap nilang makakuha ng precautionary hold departure order laban kina Bantag at Zulueta.
“We’re trying to secure a precautionary hold departure order through the cooperation of the prosecutor. Although we have information that both people are still in the country,” sabi ni Javier sa ANC.
Lapid, pumunta sa bahay ni Bantag?
Samantala, inihayag ni Remulla na nakatanggap sila ng bagong impormasyon nitong Martes na hindi umano dumalo si Bantag ng graduation ceremony sa NBP noong Setyembre 9 dahil nagalit ito nang malamang nagpunta si Lapid sa tirahan nito sa Laguna para kunan ng litrato ang kaniyang bahay at mga sasakyan.
Ayon kay Remulla, isang makabuluhang lead ang nakalap nilang impormasyon.
“It’s a significant lead that he was absent on that day because on that day Percy Lapid went to his house to examine, to take pictures of his house and his vehicles,” sabi ni Remulla.
“That day itself, noong nalaman ni General Bantag na andun si Percy Lapid sa Laguna, medyo nagalit. Nawala na siya, he didn’t anymore went back to Bilibid. He went back to Laguna and then 'di na siya umattend ng graduation,” dagdag ni Remulla.
Sinabi ni Remulla na ang graduation ng University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) sa Bilibid ay dinaluhan ng lahat ng board of trustees.
“These are people who really are doing a great service to the national penitentiary kasi they’re providing college education to many of the inmates e who want to do it,” sabi niya.
“Yung kanyang hindi pagbalik dun is a sign also that he was very mad, he was very, very livid about it,” pagpapatuloy ni Remulla.
Ayon kay Remulla, inilabas ni Lapid noong Setyembre 15 ang kuwento tungkol kay “Cinderella Man,” na tumutukoy umano kay Bantag.
Noong Setyembre 17, sinabi ni Remulla na nagsimula na ang planong pagpatay kay Lapid.
“Everything came into fruition. Kaya makikita niyo, meron talagang, there’s a string that ties everything together," sabi ni Remulla. — RSJ, GMA Integrated News