Inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ngayong Lunes na hindi pa lutas ang kasong pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid. Taliwas ito sa sinabi ni Southern Police District (SPD) director Police Brigadier General Kirby John Kraft, na lutas na ang kaso pero tuloy ang imbestigasyon.

Sa press briefing, sinabi ni Azurin na hindi pa maituturing lutas ang kaso dahil hindi pa nalalaman ng mga nag-iimbestiga kung saan nanggaling ang utos na patayin si Lapid.

“Hindi pa natin masasabi na solved na, although, we have filed the cases already initially against kay Mr. (Joel) Escorial and 'yung mga kasamahan niya,” ayon sa pinuno ng kapulisan.

“Because we have yet to determine nga saan nanggaling, kung totoong may mastermind, saan ba nanggaling 'yung utos,” dagdag niya.

Ang pahayag ni Azurin ay taliwas sa nauna sinabi ni Southern Police District (SPD) director Police Brigadier General Kirby John Kraft, na lutas na ang kaso dahil may nahuli nang suspek pero patuloy pa ang imbestigasyon.

Ang SPD ang nakasasakop sa Las Piñas City kung saan pinaslang si Lapid noong October 3.

Ayon kay Azurin, kailangang malaman ng mga awtoridad kung mayroon pang mga sangkot sa pagpaslang kay Lapid, at kung kinontak lang ng hinihinalang mastermind sa krimen, ang sinasabing “middlemen” na namatay sa New Bilibid Prison.

Ilang araw matapos paslangin si Lapid, sumuko ang self-confessed gunman na si Escorial noong October 18. Ito rin ang araw na namatay umano ang itinuro nitong middleman na nakakulong na nakilala kinalaunan na si Cristito Villamor.

Bukod Villamor, pinangalanan din ni Escorial ang mga kasabwat niya sa pagpatay kay Lapid si Christopher Bacoto, na isa pa umanong middleman na nakakulong din.

Gayundin ang mga hinahanap pa na magkapatid na Edmon at Israel Dimaculangan, at isang Orlando o Orly.—FRJ, GMA News