Patay ang isang babaeng sakay ng SUV sa barilan sa Sta. Mesa, Manila, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes.
Naganap ang insidente sa panulukan ng Magsaysay Boulevard at Pureza Street nitong Lunes ng madaling araw.
Sa kuha ng CCTV, makikitang huminto sa stoplight ang SUV nang may biglang dumating na police mobile na may blinker.
Mabilis ang takbo ng police mobile at hinarangan ang SUV. May mga taong lumabas na nakasuot ng itim at pinalibutan ang sasakyan.
Hindi nakunan ng CCTV ang mga sumunod na pangyayari pero kalaunan ay nakitang patay ang babaeng nakasakay sa passenger seat ng SUV dahil sa tama ng bala ng baril.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver ng sasakyan na babae rin.
Iniimbestigahan kung nagkaroon ng crossfire at kung sino ang nakapatay sa babaeng pasahero.
Isa rin sa tinitignang ng pulisya anggulong crime of passion dahil may nagreklamo raw sa driver ng SUV matapos niyang manggulo umano sa isang lugar sa Sampaloc dahil sa kaniyang karelasyon. —KBK, GMA News