Kailangan ng Pilipinas ng 106,000 nurses para punan ang kakulangan sa mga public at private facility at mga ospital, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni DOH officer in charge Maria Rosario Vergeire, na mayroon na ring kakulangan ng mga duktor, pharmacists, radiologic technologists, medical technologists, occupational therapists, physical therapists, midwives, at mga dentista sa bansa.
“We have a shortage or a gap of around 106,000 para mapunuan natin ‘yung mga facilities natin all over the country, both public and private," patungkol ni Vergeire sa mga nurse.
"Sa ngayon, mayroon tayong mga plantilla positions that are still to be filled up sa ating mga ospital,” patuloy niya.
“Nananawagan po tayo sa ating mga kababayan na our nurses here in the country, midwives in the country, our dentists, and other healthcare professionals, meron tayong vacant na plantilla positions para ma-hire namin kayo,” Vergeire said.
Hinikayat niya ang mga interesadong aplikante na makipag-ugnayan sa Human Resources Bureau ng DOH para maiproseso ang kanilang mga dokumento.
Nag-aalala rin si Vergeire sa pangingibang-bansa ng mga Pinoy healthcare worker.
Nais umano ng DOH na panatilihin ang 7,500 yearly deployment cap ng mga healthcare worker.
“Isa po ito sa mga dahilan kung bakit nagkukulang ang mga healthcare workers dito sa ating bansa, specifically doon sa ating mga facilities. This is because of the migration of our healthcare workers,” sabi ni Vergeire.
“Hanggang sa kulang pa po ang produksyon ng ating bansa sa mga specific healthcare worker professions na ito, sana ‘yung deployment cap natin ay manatili na lang sa ganon,” dagdag niya.—FRJ, GMA News