Dalawang enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang sugatan matapos kuyugin sa Pasay City nitong Linggo ng hapon, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Lunes.

Sa kuha ng isang pasahero ng MRT3, makikita kung paano pinagtulungan ang dalawang MMDA enforcers ng isang grupo ng mga lalaki.

Makikita rin kung paano napahiga ang dalawang enforcer dahil sa dami ng tama sa ulo at katawan na tinamo nila mula sa mga nambubugbog sa kanila.

Kita rin na isang MMDA enforcer ang nagtangkang umawat sa gulo pero hinabol siya ng pamalo ng isang lalaki.

Nang maawat ang bugbugan, agad na dinala sa ospital ang mga sugatang tauhan ng MMDA.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagsasagawa ng clearing operations ang mga taga-MMDA laban sa mga e-trike na dumadaan sa EDSA kung saan sila ay bawal.

"Nasita iyong isang residente doon pertaining sa e-trike niya," ani Police Colonel Cesar Paday-os, hepe ng Pasay City Police.

Naisakay na raw ng mga taga-MMDA sa kanilang truck ang e-trike pero puwersahan itong binawi ng mga lalaki. Nang pipigilan na sila ng MMDA ay doon na raw nagsimula ang gulo.

Ayon sa pulis, kilala na nila ang ilan sa mga nambugbog at hinahanap na nila ang mga ito.

Sa isang Facebook post, kinondena ni MMDA Task Force Special Operations (TFS) head Bong Nebrija ang naganap na pambubugbog sa MMDA enforcers.

Nanawagan din siya na sumuko na ang mga nambugbog.

Magsasampa raw ang MMDA ng reklamo laban sa mga ito, ayon sa ulat ni Mark Makalalad ng Super Radyo dzBB.

 

 

 

—KBK/KG, GMA News