Pansamantalang itinigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga public utility vehicle (PUV) drivers at operator dahil sa election public spending ban.
Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabi ni LTFRB executive director Maria Kristina Cassion, na nasa 110,200 ng mga benepisaryong PUVs ang nakatanggap na ng subsidiya hanggang noong Marso 29.
Nasa 22,000 taxi at UV Express beneficiaries ang isinasailalim sa document validification, ani Cassion. Habang magkakaloob naman ang Department of Trade and Industry (DTI) ng subsidiya para sa 27,000 delivery services.
Sa mga tricycle driver, sinabi ng LTFRB na hinihintay pa nila ang listahan ng mga benepisaryo na manggagaling sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Nagsimula ang public spending ban noong Marso 25 dahil sa Eleksiyon 2022 at epektibo ang ban hanggang sa May 8, 2022.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 10747, kailangan ang certificate of exemption para maipatupad ang mga programa para sa social welfare projects and services kahit may umiiral na ban.
"Before the ban, nagkaroon tayo ng application sa Comelec for exemption at nagkaron na po tayo ng hearing. Right now, we are just waiting for the result of our application for exemption sa ban so we can continue distribution," ani Cassion.
Habang hinihintay ang pasya ng Comelec tungkol sa kanilang aplikasyon, sinabi ng opisyal ng LTFRB na patuloy ang paggawa nila ng nasa 86,000 Pantawid Pasada Program (PPP) cards para sa iba pang benepisaryo.
Sinimulan noong Marso ang pagkakaloob ng pamahalaan ng P6,500 fuel subsidies para sa 377,000 qualified PUV drivers and operators para matulungan sila sa harap ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo.—FRJ, GMA News