Humingi ng paumanhin at nagbitiw sa kaniyang puwesto bilang Board Member ng Negros Oriental si Kurt Matthew Teves, anak ni Representative Arnolfo Teves Jr. Dahil ito sa ginawa niyang pananakit sa isang security guard ng isang subdibisyon sa Paranaque City kamakailan.

Sa isang pulong balitaan na dinaluhan ng ilang kaanak at mga tagasuporta, humingi ng paumanhin si Kurt sa security guard na si Jomar Pajares na nahuli-cam na kaniyang pinaluhod, sinuntok, sinipa, at hinamon ng barilan.

“What happened is already done. Whatever the exchange of words were, I was wrong to lay my hands on him. For that, I offer my sincerest apologies. Apologies to all of you, here and to the other party concerned. This incident is entirely on me. No one else,” ayon kay Kurt.

“Having said that I must respectfully resign from my office as a public official while I face this problem and give time to reflect on my own personal as well,” dagdag niya.

Humingi rin siya ng pang-unawa sa kaniyang mga tagasuporta at nangakong gagawin ang lahat parang maging "better person and leader.”

Nag-ugat ang gulo nang hindi payagan ni Pajares na makapasok sa subdibisyon si Kurt dahil walang "sticker" ang dala niyang sasakyan.

Iginiit ni Kurt na nakatira naman sila sa subdibisyon. Ngunit ipinatupad ni Pajares ang naturang patakaran ng asosasyon.

Nauna nang humingi ng paumanhin si Axl Teves, kapatid ni Kurt, sa nangyari.

Sinabi ni Axl na handa si Kurt na personal na humingi ng paumanhin kay Pajares.

Ayon naman sa BF Federation of Homeowners Associations Inc. (BFFHAI), magandang hakbang ang ginawa sa panig ng mga Teves pero nais muna nilang maisampa ang reklamo laban kay Kurt dahil sa sinapit ni Pajares.

“Magandang move sa kanila kung ipapakita nilang yung ganoon. Syempre sa ngayon kasi masyado pa yung ating guwardiya, traumatized sya. So siguro some other time, hindi pa ngayon,” ayon kay Atty. Delfin Supapo Jr., BFFHAI chairman ng legal committee.

--FRJ, GMA News