Mananatili sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang siyam na buwang gulang na sanggol na nasagip matapos "ipaampon" na may perang kapalit ng kaniyang ina na nalulong sa online sabong

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nabawi ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation’s Anti-Human Trafficking Division (NBI AHTRAD) ang sanggol sa isang mag-asawa sa Sta. Cruz, Laguna nitong Martes.

Ibinigay ng mga awtoridad ang pangangalaga sa sanggol sa DSWD.

“Gusto ko po buo yung pamilya ko. Pagpinirmahan ko po baka puntahan na lang siya sa bahay, may warrant of arrest kunin na lang po siya kasi hindi niya na rin po gusto yung nangyari nagsisisi rin po siya eh,” ayon sa ama ng bata.

Nangako naman ang ina na hindi na uulitin ang kaniyang ginawa.

Nalulong umano sa online sabong at nalubog sa utang ang ginang kaya "ipaampon" nito ang bata kapalit ng P45,000.

Ayon kay Atty. Janet Francisco, hepe ng NBI – AHTRAD, may posibilidad na ulitin ng ina ang kaniyang ginawa. Ang DSWD umano ang magpapasya tungkol sa pangangalaga sa bata.

“Yung possibility na ulitin nung nanay medyo malaki yon kasi nga kakasuhan pa rin namin siya. So it is up to the DSWD to really evaluate kung ano ang makakabuti sa bata because always yung best interest ng bata ang importante dito,” ani Francisco.

“Sinasabi nga the law may be harsh but it is the law kailangan ipatupad natin ito ng pantay pantay, so bahala na ang fiscal o ang prosecutor o ang korte na magdesisyon sa kasong ating isasampa at may kinalaman doon sa nanay na nagbenta,” ayon naman kay NBI Director Eric Distor.

Sa pagsagip sa bata, inaresto ng mga awtoridad ang magka-live in na sina Imelda Maligiran at Maxwell Brine, isang Nigerian national.

Aalamin umano ng NBI kung may iba pang katulad na insidente ang kinasangkutan ng mga naaaresto.

“Tinitignan na natin ano yung role noong nahuling suspect na may kinalaman sa kasong ito baka ito ay may role na mas malaki sa sindikato sa human trafficking. Hindi natin titigilan na mahuli lahat ng may kinalaman sa illegal na krimeng ito,” ani Distor.

Mahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act at RA 7610 under Section 7 sa Child Trafficking. --FRJ, GMA News