Patay ang isang 15-anyos na binatilyo habang sugatan ang 19-anyos niyang kabarkada matapos sumemplang ang kanilang motor nang takasan nila ang isang Comelec checkpoint nitong Miyerkoles sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, inilahad ng pulisya na sisitahin sana nila ang mga binatilyo dahil wala silang suot na mga helmet sa gitna ng Oplan Sita sa bahagi ng Banawe corner Calamba Street.
Gayunman, hindi huminto sa checkpoint ang dalawang binatilyo.
"They disobeyed deliberately the Oplan Sita and they sped off instead. However our TMRU (Tactical Motorcycle Riders Units) conducted the chase... The suspects, while being chased, they drew their firearm. Accidentally the firearm dropped," sabi ni Police Lieutenant Colonel Tyrone Valenzona, commander ng La Loma Police.
Naghabulan ang mga suspek at mga awtoridad hanggang sa C3 Road sa Caloocan, hanggang sa maaksidente ang motorsiklo ng mga binatilyo.
Ayon sa 19-anyos na suspek, pinahihinto na niya ang kaniyang kaibigan pero ipinagpatuloy pa rin nito ang pagharurot.
"Ayaw niya na ring pigilan, ayaw na niyang ihinto. Natatakot lang din po kaya niyakap ko na lang din siya. Noong nasa dulo na po, dire-diretso na po kami no'n. Hindi namin akalain 'yung lubak. Doon na po kami tumilapon. Doon na, nagdugo-dugo na 'yung ulo niya," anang suspek.
Kuwento ng suspek, galing sila sa isa pang kaibigan at pauwi na sa Barangay Tatalon nang madaanan nila ang checkpoint.
"Natakot din po 'yun sir eh, mai-impound 'yung motor niya tapos matiketan," sabi ng suspek, na nagtamo ng mga sugat sa kaliwang binti at balikat.
Sinabi ng pulisya na may nakuha na isang caliber .38 na baril na inihagis umano ng 19-anyos na suspek sa tabing kalsada sa D. Tuazon, bagay na itinanggi ng binatilyo.
Mahaharap ang suspek sa mga reklamong disobedience at illegal possession of firearms in relation to Omnibus Election Code. — Jamil Santos/VBL, GMA News