Isang jeepney driver na naka-isang dose pa lang ng COVID-19 vaccine ang nasampolan sa Caloocan City ng mga awtoridad na nagpapatupad ng "no vaccination, no ride" policy nitong Lunes.
Sa pag-iinspeksiyon ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), nakita nilang isa pa lang ang bakuna ng jeepney driver na si Victor Alcantara, base sa kanyang vaccination card, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa Dobol B TV.
Base sa Department Order No. 2022-001 ng Department of Transportation (DOTr), tanging mga fully vaccinated na indibidwal ang makakasakay sa public transportation vehicles sa National Capital Region (NCR) habang ito ay nasa Alert Level 3 o higit pa.
“In general, a person is considered fully vaccinated two weeks after their second dose in a two-dose series, such as Pfizer or Moderna vaccines; or two weeks after a single-dose vaccine, such as Johnson & Johnson’s Janssen vaccine,” saad ng nasabing Department Order.
Kinausap ng PNP-HPG ang driver at sinabihang magpabakuna na ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine.
May sakay rin si Alcantara na isang pasahero na isa lang din ang dose ng COVID-19 vaccine. Pinababa siya at inabisuhan ng PNP-HPG na magpa-second dose na ng bakuna.
Ayon sa hepe ng PNP-HPG National Capital Region na si Police Lieutenant Colonel Joel Mendoza, hindi muna titiketan ngayong linggo ang mga lalabag sa "no vaccination, no ride" policy. Sa halip ay bibigyan muna sila ng "warning" at pakikiusapan silang kumpletuhin muna ang kanilang bakuna laban sa COVID-19.
Exempted naman sa nasabing policy ang mga indibidwal na may medical condition na nakakahadlang sa kanilang pagbabakuna laban sa COVID-19, mga indibidwal na bibili o kukuha ng essential goods at serbisyo, at ang mga pupunta sa vaccination sites para magpabakuna.
Kamakailan ay iniutos ni Presidente Rodrigo Duterte na i-restrict ang paglabas ng mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19.
Patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, at nitong Linggo ay umabot sa 37,154 ang mga bagong kaso. Ang total COVID-19 cases sa bansa ay 3,205,396 na. —KG, GMA News