Patuloy ang pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas na umabot sa 2,961 nitong Biyernes. Noong lang nakaraang Lunes, Disyembre 27, nasa 318 new daily cases lang ang naitala.
Mula noong Martes, nagtuloy-tuloy na ang pagsirit ng mga bagong kaso na 421, na nasundan ng 889 noong Miyerkules, at 1,623 nitong Huwebes.
Ayon sa Department of Health (DOH), umaabot na ngayon sa 14,233 ang active cases, o mga pasyenteng ginagamot o nagpapagaling.
Sa naturang bilang, 628 ang asymptomatic, 8,365 ang mild, 3,197 ang moderate, 1,701 ang severe, at 342 ang kritikal ang kalagayan.
Umabot na sa 10.3% ang positivity rate sa bansa, mula sa nakaraang 6.6%. Hindi dapat hihigit sa 5% ang inirerekomendang positivity rate ng World Health Organization.
May kabuuang 30,526 tests ang isinagawa, ayon sa DOH.
Samantala, 481 na pasyente naman ang bagong gumaling at may 132 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga pumanaw.
Sinabi ng DOH na sa naturang bilang ng mga pumanaw, siyam ang nangyari noong December, tatlo noong November, 24 noong October, 18 noong September, 12 noong August, anim sa July, walo noong June, lima noong May, 13 sa Abril, walo noong Marso, at apat noong Enero.
Sinabi pa ng DOH na 22 sa mga nasawi ay nangyari noong 2020, “due to late encoding of death information to COVIDKaya.”
“This issue is currently being coordinated with the Epidemiology and Surveillance Units to ensure information is up to date,” ayon sa DOH .
Dalawang laboratoryo ang hindi operational at anim ang hindi nakapagsumite ng datos sa takdang oras.—FRJ, GMA News