Muling dumoble ang dami ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas nitong Huwebes na umabot sa 1,623. Nitong Miyerkules, 889 ang naitalang mga kaso, kumpara sa 421 noong lang Martes.

Ayon sa Department of Health, sa naturang bilang ng mga bagong kaso, 1,582 o 97% ay nangyari sa loob ng nakalipas na 14 araw na mula December 17 hanggang December 30, 2021.

Nanguna ang Metro Manila sa mga rehiyon na may pinakamataas na mga kaso na 1,063 o 67%. Sumunod ang Calabarzon na 173 o 11% at Central Luzon na 101 o 6%.

Umaabot na ngayon ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa 11,772.

Kinabibilangan ito ng 577 asymptomatic cases, 5,737 mild cases, 3,315 moderate cases, 1,771 severe cases, at 372 critical cases.

Umabot naman sa 6.6% ang COVID-19 positivity rate ngayon, kumpara sa 4.5% na naitala nitong Miyerkules.

Sa panuntunan ng World Health Organization, itinuturing ang high transmission rate kapag humigit na sa 5% ang positivity rate.

Samantala, nadagdagan naman ng 256 ang mga pasyenteng gumaling, at 133 ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi.

Sa bilang ng mga nasawi, apat ang nangyari noong December 2021 (3%), anim noong November 2021 (5%), 14 noong October 2021 (11%), 20 noong September 2021 (15%), 23 noong August 2021 (17%), anim noong July 2021 (5%), lima noong June 2021 (4%), siyam noong May 2021 (7%), 21 noong April 2021 (16%), 15 noong March 2021 (11%), isa noong February 2021 (1%), isa noong January 2021 (1%), dalawa noong October 2020 (2%), tatlo noong September 2020 (2%), dalawa noong August 2020 (2%), at isa noong July 2020 (1%).

Paliwanag dito ng DOH, atrasado umano ang encoding ng death information sa COVIDKaya.

"This issue is currently being coordinated with the Epidemiology and Surveillance Units to ensure information is up to date," ayon sa DOH.

Lumitaw din sa final validation na may 126 na pasyente na unang nailista na gumaling ang inilipat sa talaan ng mga pumanaw.

Dalawang laboratoryo ang non-operational noong December 28, 2021, at tatlong laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).

— FRJ, GMA News