Inihayag ni Davao City Mayor Sara Duterte ang suporta kay presidential aspirations at dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Si Sara ay tatakbong bise presidente sa ilalim ng partidong Lakas-CMD. Nang ihain ng alkalde ang kaniyang certificate of candidacy (COC) nitong Lunes, naglabas ng pahayag si Marcos na kukunin ng kaniyang partido na Partido Federal ng Pilipinas, ang alkalde bilang kaniyang running-mate sa Eleksyon 2022.
"Ang aking partido ay nakipag-alyansa at humingi ng suporta para kay Bongbong Marcos at para sa akin matapos kong tanggapin ang inyong hamon at panawagan," pahayag ni Sara sa video message nitong Martes.
Sinabi rin ng alkalde na tinanggihan ng partido ng kaniyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte, na PDP-Laban, ang hinihingi niyang suporta.
Gayunman, nauunawaan daw niya ang desisyon ng partido.
"Pero gusto ko lamang na linawin - walang pangalan na sinisira o dinudungisan, walang sinasagasaan, walang inaagrabyado, inaaway, pinapaiyak o inaapi," anang alkalde.
Inihayag din ni Lakas-CMD president at House Majority leader Martin Romualdez, na susuportahan ng kanilang partido si Marcos, na kaniyang pinsan.
Nais din ni Romualdez na isama sa kanilang senatorial ticket si Pangulong Duterte, na naghain ng COC para kumandidatong senador.
"With President Duterte’s filing of candidacy for senator in 2022 election, it will be my honor, as Lakas-CMD President, to nominate his name for inclusion in the list of senatorial candidates to be adopted by the party," anang kongresista.
"The National Executive Committee of Lakas-CMD is currently formalizing the list of 12 senatorial candidates to be supported by the party in the 2022 elections, and will make formal announcement on this the soonest time possible," dagdag niya. --FRJ, GMA News