Muling sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na aakuin niya ang buong responsibilidad sa isinagawang anti-drug war ng kaniyang administrasyon na nais imbestigahan ng International Criminal Court (ICC).
Inihayag ito ni Duterte kasunod ng pagsasabing kinakabahan umano si Senador Ronald "Bato" Dela Rosa sa gagawin imbestigasyon ng ICC sa kampanya kontra-droga na ipinatupad noong panahon na hepe pa ng pulisya ang mambabatas.
"Si Bato, nanerbiyos sa Tokhang niya. Sabi ko 'wag ka mag- alala. If there is someone going to prison, it should be me. Pero it should be before a Filipino court, Filipino judge with a Filipino prosecutor," sabi ni Duterte sa Joint Task Force-Regional Task Force End Local Communist Armed Conflict meeting sa Lucena City.
"Magpakulong ako rito, marami namang penal colony rito, doon na lang ako. Kaya sabi ko kay Bato, 'wag ka mag-ano, ituro mo ako. Si Duterte ang nag-utos. Kung ano nasa listahan mo, sabihin mo, utos ni Duterte 'yan. I will answer for all," patuloy ng pangulo.
Ilang grupo ang dumulog sa ICC kaugnay sa naturang kampanya kontra-droga ng administrasyon na naging talamak daw sa paglabag sa karapatang-tao.
Nitong nakaraang Setyembre, naglabas ng pasya ang ICC na may nakitang basehan para magsagawa ng imbestigasyon laban sa administrasyon dahil sa umano'y crimes against humanity.
Pero ayon kay Duterte, tanging ang usapin sa mga namatay na umano'y sangkot sa ilegal na droga ang tinitingnan ng mga grupong dumulog sa ICC, pero hindi nila nakita ang 500 na nahuhuli araw-araw dahil sa drug-related crimes.
"They don't look at the other side," saad niya.
Hindi rin daw totoo na walang "big fish" na pinuntirya ang kaniyang administrasyon kontra sa droga.
Paliwanag ni Duterte, "Walang mayaman na Pilipino na nasa droga. Anong big fish? May apat na Chinese na namatay, iyon ang mga big fish."
"Huwag kayo maghanap ng mayaman o anak ng mayaman. Hindi kailangan magnegosyo ng shabu niyan. Mayaman na nga eh," dagdag niya.—FRJ, GMA New