Umatras ang 29 na paaralan na makibahagi sa pilot face-to-face classes na magsisimula sa November 15, 2021.
Dahil dito, sinabi ni Department of Education (DepEd) Director Malcolm Garma, na 30 eskuwelahan na lamang ang makakasama sa naturang pilot ng face-to-face classes.
Sa pulong balitaan nitong Martes, inihayag ng opisyal na umatras ang 29 na paaralan dahil sa hindi pagsuporta sa programa ng lokal na pamahalaan na kanilang nasasakupan at maging ng mga magulang ng mga bata.
Idinagdag din ni Garma na nagkakaroon ng pagtaas ng kaso COVID-19 sa mga lugar na kinaroroonan ng 29 na paaralan.
Una rito, nasa mahigit 600 paaralan ang inirekomenda ng DepEd regional offices na isama sa pilot run ng face-to-face classes.
Mula sa nabanggit na bilang, nagsagawa ng pagsusuri ang Epidemiology Bureau ng Department of Health, at 59 na paaralan lamang ang pinayagan na makasali sa pilot run dahil sa minimal o low risk mula sa COVID-19.
Ang nabanggit na mga paaralan ay nasa Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Soccsksargen Regions.
Pero batay sa unofficial information, sinabi ni Garma na mayroon umanong 70 paaralan na maaaring makasama sa face-to-face classes sa November 15.
Gayunman, maaari pa raw itong magbago muli depende sa magiging desisyon ng LGUs at mga magulang ng mga bata, pati na ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa lugar ng paaralan.
Target pa rin umano ng DepEd na umabot sa 100 public schools at 20 private schools ang makabahagi sa pilot ng face-to-face classes. — FRJ, GMA News