Kahit yupi-yupi, naninilaw at may mga dumi, nire-repack pa rin umano ang mga face shield na ibinigay ng Pharmally Pharmaceuticals Corporation sa Department of Health, ayon sa nagpakilalang dating tauhan ng kontrobersiyal na kompanya.
Ginawa ng nasabing testigo ang kaniyang pahayag sa pagpapatuloy ng isinasagawang pagdinig ng Senador nitong Biyernes, tungkol sa bilyong-bilyong kontrata na nakuha ng Pharmally sa gobyerno para mag-supply sa DOH ng mga medical supplies tulad ng face mask, face shield, at PPEs.
Sa naturang pagdinig, ipinakita ni Senador Risa Hontiveros ang video na naglalaman ng testimonya ng testigo, na hindi binanggit ang pangalan para sa kaniyang seguridad.
Ayon sa testigo, pinalitan din nila ang production date ng mga face shield.
"Yung mga nakalagay dun sa certificate niya, production date po is year 2020 pa. Then, ang pinapagawa sa amin is palitan po siya ng certificate na updated this year," sabi nito.
Tinukoy ng testigo si Krizle Grace Mago, dumalo rin sa pagdinig, na nag-utos sa kanila na palitan ang certificate.
Si Mago ang isa sa mga opisyal ng Pharmally na nangasiwa sa pagdedeliver ng pandemic supplies sa DOH.
"Kahit po yupi-yupi yung mga face shield, yupi-yupi na yung mga boxes, kahit po may mga dumi, pinapa-repack pa rin po sa amin nina ma’am … although substandard po…kahit naninilaw, kahit basa-basa na po, yung iba po dun, nababasa gawa po ng tulo sa warehouse," ayon sa testigo.
Matapos ma-repack ang mga face shield, sinabi nito na nilalagyan nila ito ng sticker na nagsasaad na “Philippine Government Property.”
“Nakalagay po doon, Department of Health, so idea po namin is sa DOH po. Pero sinabi din naman po sa amin nina Ma’am na order po sya ng DOH from Pharmally,” patuloy niya.
Idinagdag niya na nakita niya ng isang beses sa bodega si Mohit Dargani, ang corporate treasurer at secretary ng Pharmally.
Kinumpirma ni Mago sa pagdinig na iniutos niya ang pagpapalit ng certificates sa mga face shield. Aniya, utos umano ito ng pamunuan ng kompanya.
“The instructions came from our management po. I received instructions from the PPC management, particularly Mohit Dargani,” sabi ni Mago.
Itinanggi naman ni Dargani ang naturang pahayag ni Mago.
"Mago is used to receiving instructions from me, but in this case it was not the case," sabi nito.
Nang tanungin ni Senador Richard Gordon si Mago kung may "swindling" na pangyayari, tugon niya, "I believe so, Mr. Chairman."
"So maaari dahil yung ganoong klaseng quality ay substandard, maaari may mga nurse at mga doctor na nagka-COVID at namatay dahil sa substandard na dapat sana medical grade na face shield," ani Gordon.--FRJ, GMA News