Nasawi ang isang lalaking nagbibisikleta matapos siyang masagasaan ng truck sa Mindanao Avenue sa Quezon City nitong Martes.

Sa ulat ni Glen Juego ng Super Radyo DZBB nitong Martes, lumabas sa inisyal na impormasyon ni Dexter Cardenas, hepe ng Traffic Operations ng Dept of Public Order and Safety (DPOS) na nangyari ang insidente sa kanto ng Mindanao Avenue at Tandang Sora pasado 1 p.m.

Kinilala ang biktima na si Michael Padayao, na sumabit umano ang bisikleta sa gilid ng truck kaya siya sumemplang at nagulungan.

Nasa kostudiya naman ng mga awtoridad ang driver ng truck na nakilalang si Ronald Villarama.

Paglilinaw ni Cardenas, na hawak ng QCPD-Traffic Sector, hindi sa bike lane nangyari ang aksidente.

Naialis na ang bangkay ng biktima sa pinangyarihan ng insidente nitong 3 p.m. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News