Iniutos umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga donated Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine ang ibigay sa mga mahihirap.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, ang utos ni Duterte ay naayon sa inilatag na kondisyon sa global aid COVAX facility na pinagmulan ng 193,050 doses ng Pfizer-BioNTech vaccines.
"Ipinag-utos ni Presidente na ibigay ang Pfizer sa mahihirap at indigent population. Under COVAX guidelines, it is A1, A2, A3 and A5," sabi ni Roque nitong Huwebes.
Sa ilalim ng vaccination program ng pamahalaan, ang A1 ay ang mga health worker, senior citizens ang A2, mga taong may comorbidities ang A3 at habang ang A5 ay ang mga mahihirap.
Ang A4 ay ang mga essential worker o mga manggagawang kailangan magtrabaho sa lugar na pinapasukan sakabila ng quarantine restrictions.
"Iyong Pfizer, hindi po 'yan ilalagay sa mall. Ilalagay 'yan sa barangays na mababa ang uptake ng vaccine," ayon kay Roque.
"On A4, we will use the ones (vaccines) paid for by the government," dagdag niya.
Batay sa pagsusuri ng Philippine Food and Drug Administration (FDA), ang Pfizer-BioNTech ay may efficacy rate na 95% sa study population at 92% sa across all races.
Nitong nakaraang mga araw, dinadagsa ng mga tao ang mga vaccination site na Pfizer ang brand ng bakuna ang itinuturok.—FRJ, GMA News