Ilang residente ang natiketan matapos pumila para sa Maginhawa Community Pantry sa Quezon City kahit may curfew pa, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.
Nang matapos ang curfew ay nagtakbuhan ang mga tao para lang makauna sa pantry, habang panay naman ang paalala ng mga otoridad na sundin ang physical distancing at huwag magsiksikan.
"Napakahalaga po sa aming mag-asawa [nitong community pantry] dahil sa hirap ng buhay lalo na may pandemic," ani Cristobal Bellarosa, isang mangangalakal, na tatlong beses na raw pumila sa Maginhawa Community Pantry.
Ilang nakapila sa Maginhawa Community Pantry, natiketan ng Quezon City Task Force Disiplina dahil sa paglabag sa curfew. @gmanews pic.twitter.com/N6UJb6f6Nj
— James Agustin (@_jamesJA) April 21, 2021
Ikinalungkot naman ng mga natiketan ang nangyari sa kanila. Sana raw ay itinaboy o pinagsabihan na lang sila ng mga otoridad.
May multang P300 ang paglabag sa curfew sa Quezon City.
Inako naman ni Mayor Joy Belmonte ang multa para sa mga natiketan, ayon sa tweet ni James Agustin.
Sa isang text message, sinabi ni Mayor Joy Belmonte na bilang konsiderasyon sa ilang natiketan na lumabag sa curfew sa Maginhawa Community Pantry ay siya na muna ang magbabayad nito.
— James Agustin (@_jamesJA) April 21, 2021
P300 ang multa ng mga lumabag sa curfew sa QC. @gmanews @dzbb pic.twitter.com/5Ra2BYpSNT
"An ordinance has been violated, OVRs have been issue[d] so the penalty must be paid. But taking into consideration the circumstances they are in, I will be the one to pay the penalty in their behalf with a very strict warning not to repeat the violation," sabi ni Mayor Belmonte sa isang text message. --KBK, GMA News