Sinelyuhan na ng Korte Suprema (SC) bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) ang pagkapanalo ni Leni Robredo bilang bise presidente noong 2016 elections matapos na ibasura ng mga mahistrado ang protesta ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Pumangalawa si Marcos kay Robredo sa mga kandidatong sa pagka-bise presidente na nakakuha ng pinakamaraming boto sa pangalawang pinakamataas na posisyon sa bansa.
Ayon kay SC spokesperson Brian Hosaka nitong Martes, "unanimous" ang boto ng mga mahistrado na ibasura ang protesta ni Marcos na isinampa noong June 29, 2016 para pawalang-bisa ang panalo ni Robredo.
Sa 15 mahistrado na dumalo sa pulong, sinabi ni Hosaka na pito ang “fully concurred” sa desisyon na ibasura ang protesta, at umayon naman sa pasya ang iba pa.
Ilalagay umano sa website ng SC ang naturang desisyon.
Hindi binanggit ni Hosaka kung maaari pang iapela ni Marcos ang desisyon.
“I cannot answer the question because I only have the information which I read,” sabi niya sa pulong balitaan.
Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, abogado ni Robredo, hindi pa nila nakikita ang kopya ng desisyon.
“Hindi pa kami nakakatanggap ng desisyon, nakinig lamang kami sa presscon,” pahayag ni Macalintal sa Super Radyo dzBB.
“Ngayon lang kami magkakausap mula nung magkaroon ng pandemya tungkol sa bagay na ito,” dagdag ni Macalintal na patungo umano sa tanggapan ni Robredo.
Ayon naman sa abogado ni Marcos na si Atty. Lawyer Vic Rodriguez, hindi pa sila nakatatanggap ng desisyon ng SC.
"The information that we have are primarily sourced from our media friends and not from any official notice or information emanating from the Presidential Electoral Tribunal," pahayag nila sa ipinadalang e-mail.
"We shall issue our statement on the matter as soon as we have established the facts based on official document or pronouncement coming from the PET," dagdag niya.
Sinabi naman ng Palasyo na iginagalang nila ang pasya ng SC.
“‘Yan ay desisyon ng Kataas-taasang Hukuman. We respect that,” ani presidential spokesperson Harry Roque.
“We respect also that the camp of (former) senator Bongbong Marcos has a further remedy of moving for reconsideration,” dagdag niya.
Inakusahan ni Marcos na nagkaroon ng dayaan kaya nanalo si Robredo at nakalamang sa kaniya ng 263,473 boto.
Hiniling niya sa SC, na nagsisilbing PET na dumidinig sa mga protesta sa resulta ng halalan ng pangulo at bise presidente, na muling bilangin ang mga boto sa ilang lalawigan na pinaniniwalaan niyang nagkaroon ng dayaan partikular sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.
Pero matapos ang recount ng PET, lumitaw na nadagdagan pa ang lamang ni Robredo kay Marcos.
Kasunod nito, hiniling ng kampo ni Marco sa PET na repasuhin ang recount results.
Nagpetisyon naman ang kampo ni Robredo na ibasura na ang protesta ni Marcos at atasan ang kampo ng dating senador na magpakita ng katibayan na may iregularidad sa iba pang lalawigan na nais na magkaroon ng recount tulad ng Lanao del Sur, Maguindanao at Basilan.--FRJ, GMA News