Itinanggi ng tagapagsalita ng Department of Agriculture (DA) na ang pag-angkat ng mga bigas sa ibang bansa ang dahilan ng pagbaba ng presyo ng palay na inaani ng mga lokal na magsasaka.

Sa panayam sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules,  sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Noel Reyes, na ang pagiging basa ng palay ang dahilan kaya sa murang halaga ito binibili ng mga trader.

“Ang presyo ng palay ay nade-determine ng supply and demand. Mababa 'yun dahil basa. Kapag nakikita mo 'yun kapag basa, hindi po nabibili masyado na mataas sa presyo,” paliwanag niya.

“So P19 (per kilo) po kapag tuyong-tuyo. Siyempre po may P12, P13, P14 pero mataas din po 'yung iba na P16, P17 'yung tuyo,” dagdag ni Reyes.

Nitong nakaraang buwan, hiniling ni Senador Ralph Recto sa DA na alamin ang sintemyento ng mga magsasaka sa pagbaba ng presyo ng bagong aning palay sa P12 bawat kilo.

Giit ni Recto, dapat alamin ng DA kung nakaapekto sa presyo ng palay ng mga lokal na magsasaka ang pag-angkat ng bigas.

Nitong Oktubre 6,  sinabi ng DA na hindi dapat umangkat ng palay sa ibang bansa sa panahon ng anihan ng palaya sa Pilipinas para matulungan ang mga magsasaka.

“Pinigilan po natin 'yan at nakiusap po si Secretary (William Dar) na huwag munang magparating lalong-lalo na sa harvest. 'Yan din ang utos ng Senate committee on agriculture and food ni Senator (Cynthia) Villar,” ayon kay Reyes.

“Although, tuloy-tuloy ang pag-issue ng permit ay huwag po sila magpasok ng imported rice tuwing anihan,” sabi pa niya. —FRJ, GMA News