Iginiit ni Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor na muli siyang maghahain ng mosyon na magbotohan kapag nagbitiw muli bilang Speaker si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano sa Oktubre 14. Hindi rin umano basta magiging Speaker si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, ahit magbitiw si Cayetano.
"I will object. I will object if there is a motion," sabi ni Defensor sa mga mamamahayag nitong Huwebes nang tanungin kung ano gagawin niya kapag muling nag-alok si Cayetano na magbitiw sa puwesto.
"Sinabi ko na noon pa, in fact I've been open about it, kung ano yung track record, kung ano yung sitwasyon natin ngayon, ano yung mga dapat gawin. On the base of all this, we should keep the leadership of Speaker Alan Cayetano," giit niya.
Nitong Miyerkules, nag-alok si Cayetano na bitiwan na ang kaniyang puwesto bilang Speaker para pumalit na sa kaniya si Velasco, na kabahagi niya sa term sharing agreement bilang lider ng Kamara de Representantes noong July 2019.
Sa pakikipag-usap nila kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi, sinabing napagkasunduan nina Cayetano at Velasco na gawin sa Oktubre 14 ang implementasyon ng kasunduan.
Ngunit hindi ikinatuwa ni Cayetano nang lumabas kaagad ang mga impormasyon sa naturang kasunduan na dapat na siya umano ang mag-aanunsyo.
Nang ihayag ni Cayetano ang hangarin niyang magbitiw na bilang Speaker, naghain ng mosyon si Defensor para tutulan ito at nagkaroon ng botohan.
Sa botohan, 184 kongresista ang tumutol na magbitiw si Cayetano, isa ang pumabor, at siyam ang hindi bumoto.
Ayon kay Defensor, ang resulta ng botohan ay pagpapakita ng lubos na suporta sa liderato ni Cayetano.
"So ako, ang tingin ko lang, from the other camp, if they want to pursue the change of leadership, ang kailangan mag-declare sila ng vacancy ng Office of the Speaker," anang mambabatas.
"They have to move, someone will object, and then on the basis of that, magbibilangan ulit," dagdag niya.
Sa Saligang Batas, nakasaad na dapat ihalal ng mayorya ng mga kongresista ang magiging lider o Speaker ng Kamara.
Sa ngayon, tinatayang nasa 300 ang mga kongresista kaya kailangan ng higit 150 boto para maging Speaker.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Velasco na dapat magbitiw si Cayetano sa puwesto bilang Speaker sa Oktubre 14 para tuparin ang kanilang kasunduan.
“This is what we discussed during our meeting with the President— that you will resign on October 14 and that you will announce this yourself as a gentleman,” ani Velasco.
Ngunit para kay Defensor, hindi na usapin ng "gentleman's agreement" o "word of honor" ang posisyon ng Speaker ngayong nahaharap sa COVID-19 pandemic ang bansa.
"Ito bang bansa natin, itong sitwasyon natin, inuuwi na natin sa usapin ng gentleman's agreement? Hindi ba dapat ang unang pag-usapan, dumaan tayo sa COVID, patuloy tayong dumadaan sa COVID, ano yung dapat sa ating bansa? Sino yung kailangan nating liderato sa Senado, sa Kongreso, sa mga departamento para magawa yung mga problema natin?" paliwanag niya.
"So I am sorry to say that yung question ng gentleman's agreement, question of the President's word, I think we should go beyond that. The question is, how do we navigate now Congress, how do we navigate the country in the middle of this pandemic," ayon pa kay Defensor.--FRJ, GMA News