Nagpahayag ng pangamba ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa muling pagbabalik operation ng mining companies na sinuspinde ni dating Department of Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez dahil na rin sa kanilang mga paglabag sa Environmental laws ng bansa.

Sa panayam ng Radio Veritas kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, vice-chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace o CBCP-NASSA/Caritas Philippines, hinimok nito ang DENR na ihayag sa sambayanang Filipino ang dahilan ng muling pag-o-operate ng mga mining firm.

Iginiit ng Obispo na dapat magkaroon ng third party group na magpapatunay na sumunod sa patakaraan ang mga kompanyang magbabalik operasyon at mapanagot ang mga mining firms na nagdudulot ng pinsala sa kalikasan.

“I have serious doubts and how I wish the process is transparent and open for public scrutiny.So mining companies are held accountable for any environmental damages caused by them.” Pahayag ni Bishop Alminaza sa Radio Veritas

Unang kinondena ni Laudato Si Philippines Executive Director Rodney Galicha ang naging desisyon ng ahensya na sinasamantala ang pandemya upang pagmalabisan at pagkakitaan ang kalikasan.

“DENR's action of lifting suspended mining operations is taking advantage of the pandemic mobility limitations allowing continuous plunder of our natural resources.” Ayon kay Galicha.

Isinusulong din ni Galicha na palitan na ang Mining Act of 1995 ng isang batas na nakasentro sa sustainable development, disaster risk reduction at climate adaptation dahil sa kasalukuyang krisis pang ekolohikal.

Nilinaw naman ni DENR Secretary Roy Cimatu na tanging mga dumaan sa tamang proseso at sumunod sa mga itinakdang hakbang ang pinapayagang magbalik operation.

Kinumpirma rin ni Cimatu nitong Miyerkules, ika-23 ng Hulyo, na naglabas na ng rekomendasyon ang DENR’s audit team sa mga hindi tinukoy na kompanyang magbabalik operasyon.

Matatandaang noong September 2017, ipinag-utos ng namayapang DENR Secretary Gina Lopez ang pagpapasara at suspension ng mining operations ng 26 na mining companies dahil sa paglabag sa environmental standards at Philippine Mining Act of 1995.

Ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

  • Libjo Mining Corporation
  • AAM-Phil Natural Resources Exploration and Development Corporation - Parcel 1 and Parcel 2B
  • Krominco Incorporated
  • Carrascal Nickel Corporation
  • Marcventures Mining and Devt.Corp.?
  • Filminera Resources Corporation?
  • Strongbuilt Mining Development Corporation
  • Sinosteel Philippines HY Mining Corporation
  • Oriental Synergy Mining Corporation
  • Wellex Mining Corporation
  • Century Peak Corporation - Rapid City Nickel Project and Casiguran Nickel Project
  • Oriental Vision Mining Philippines Corp.
  • CTP Construction and Mining Corporation
  • Agata Mining Ventures Incorporated
  • Hinatuan Mining Corporation
  • Benguet Corporation
  • Lepanto Consolidated Mining Company
  • OceanaGold Phils, Incorporated
  • Adnama Mining Resources, Incorporated
  • SR Metals, Incorporated

Matatandaan ding mariing tinututulan ni Pope Francis sa kanyang Laudato Si ang industriya ng pagmimina dahil sa nag-iiwan ito ng labis na pinsala sa mga komunidad at nakadaragdag sa labis pang paghihirap ng mamamayan. —LBG, GMA News