Tatlong suspek ang arestado sa isinagawang buy-bust operation sa Novaliches, Quezon City, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Lunes.
Bukod sa droga, nakunan din ng mga armas at sangkap sa paggawa ng bomba ang mga suspek.
Isa sa mga suspek, may ID pa raw ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Pinuntahan ng otoridad ang hideout ng mga suspek matapos ang isang buy-bust operation kung saan nasabat ang isang kilo ng shabu.
"Seemingly parang workshop ito ng bombmaking, gawaan ng bomba," ani Director General Wilkins Villanueva ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nanguna sa nasabing operasyon.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga suspek.
Sa Malabon naman, isang Chinese national naman ang arestado at apat na kilo ng hinihinalang shabu ang nasabat ng PDEA sa isinagawang follow-up operation.
Ayon kay Villanueva, pinakikita ng operasyon na totoo ang tinatawag na "narco-terrorism."
"Nagsasanib na ang droga at terrorism, so malawakang backtracking investigation pa ang kailangan natin," aniya. --KBK, GMA News