Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong buwagin na ang umano'y "walang silbing" ahensiya na National Telecommunications Commission (NTC).
Sa House Bill 6701, na inihain ni House Minority Leader Benny Abante Jr., nais nitong amyendahan ang Republic Act 7925, o ang Public Telecommunications Policy Act, para buwagin ang NTC at ilipat ang kapangyarihan nito sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Kasamang ililipat sa DICT ang lahat ng ari-arian ng NTC.
Sa kaniyang privilege speech nitong Miyerkules, sinabi ni Abante na matagal na niyang iniisip na buwagin ang isa umanong "useless" agency na NTC.
"Our NTC, supposedly in charge of regulating and promoting the telecommunications industry has turned out to be one of the most inept and useless agencies whose only relevance lies in being another model for sheer wastage of taxpayer money," anang mambabatas.
"Its failure all these years to invoke sanctions against the companies poorly serving the people’s telecommunications needs is a perfect reason to abolish it already," dagdag niya.
Inihain ni Abante ang panukala isang araw matapos maglabas ng cease and desist order ang NTC para patigilin sa operasyon ang ABS-CBN matapos na hindi maipasa ng Kamara ang renewal ng kanilang prangkisa.
Bago nito, inasahan ng mga mambabatas, kabilang si Speaker Alan Peter Cayetano, na magpapalabas ng provisional authority ang NTC para hindi magsara ang ABS-CBN habang nakabinbin sa Kamara ang usapin sa prangkisa ng network.--FRJ, GMA News