Nauwi sa barilan ang hindi pagtigil ng isang dating pulis na sakay ng kaniyang van at kasama pa ang anak sa isang checkpoint sa Quezon City. Nang maabutan ng mga awtoridad, natuklasan ang kahon-kahon na alak sa sasakyan.
Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing hinabol ng mga pulis ang sasakyan ni Joselito delos Santos hanggang sa C-5 Road sa Pasig City matapos umanong hindi tumigil sa checkpoint sa Quezon City.
“Pinapahinto ko, ayaw pa ring huminto so ang ginawa ko, pinalo ko ng stick ‘yong side mirror. Umilag na ako dahil alam kong sasagasaan na ako eh,” ayon kay Police Senior Master Sergeant Allan Relolano ng QCPD Station 12.
Batay sa imbestigasyon ng Philippine National Police, inabutan ng nakamotorsiklong si Police Corporal Villamor Talosig, ang van pero binangga siya ng driver nito.
“Natumba ang pulis. Before sa C5 area, before sa scene na ito (kung saan bumangga sa puno sa center island), after that hinabol ulit ng pulis,” ani Pasig City Police Chief Colonel Moises Villaseran.
Natapos ang habulan nang sumampa sa center island ang van. Pero nang lapitan umano ni Talosig si delos Santos, nagpaputok umano ang suspek .
Gumanti naman ng putok ang pulis at tinamaan ang suspek kaya nasugatan at dinala sa ospital.
Dinala rin sa ospital si Talosig na nasaktan dahil sa pagkakatumba sa motorsiklo.
Hindi natamaan sa palitan ng putok pero sugatan din ang anak ni delos Santos na si Jayson, na sakay din ng van.
Nakita sa sasakyan ng suspek ang 30 kahon ng alak na ipinagbabawal sa ngayon dahil sa umiiral na liquor ban sa lungsod.
Nakuha rin ang isang baril at mga bala na ginamit umano ni delos Santos sa pakikipagbarilan.
Lumabas sa imbestigasyon na matagal nang natanggal sa serbisyo si delos Santos.
Sinusubukan pang kunin ng GMA News ang panig niya at ng kaniyang anak.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News