Isang restaurant ang tinangkang pasukin ng mga kawatan na tila nagpanggap daw na mga barangay tanod sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa Maynila.

Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV ang mga kawatan na sakay ng tricycle, may suot na tila ID at umano'y parang uniporme ng tanod sa Sampaloc, Maynila.

Tumigil ang mga ito sa tapat ng restaurant at sandaling nagmatyag bago tinangkang buksan ang padlock ng kainan.

Pero may mga tauhan daw sa loob ng establisimyento na lumikha ng ingay kaya mabilis na umalis ang mga suspek.

Inireport naman sa pulisya ng may-ari ng restaurant ang insidente na nangyari umano kamakailan.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na hindi mga tanod ang mga suspek.

“Ngayon po nagkakaubusan ng pagkain dahil sa quarantine. Wala po silang trabaho, nagugutom ang kanilang mga sikmura kaya siguro makakaisip po talaga sila ng ganoong bagay,” sabi ng nagreklamo.

Pinaigting na rin ang pag-iikot sa lugar para hindi na maulit ang insidente.

Paalala naman ng pulisya, maging alisto pagdating sa mga ganitong bagay at siguraduhing maayos ang pagkakasara ng mga establisyamento.

Dapat din umanong paalalahanan ang mga guwardya o kasambahay na maging mapagmasid at ipagbigay-alam agad sa ating kapulisan kung mayroon silang makikitang kahina-hinalang tao na paligid-ligid sa lugar.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News