Pumanaw nitong Lunes ng umaga ang presidente ng PAL Holdings Inc. na si Lucio “Bong” Tan Jr. Si Bong ay anak ng bilyonaryong si Lucio Tan.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabing kinumpirma ni Vivienne Tan, ang pagpanaw ng kaniyang kapatid kaninang umaga.
“It is with deep sorrow that I announce the passing of my brother, Lucio “Bong” Tan Jr. this morning, November 11, 2019. He was 53. His untimely passing leaves a big void in our hearts and our Group's management team which would be very hard to fill,” saad ni Vivienne sa pahayag.
“Bong was a son, husband, father, friend and, most importantly, our elder brother whom we all relied on for advice, counsel and leadership,” dagdag niya.
Bagaman walang binanggit sa pahayag sa sanhi ng pagkamatay ni Bong, sinabi ng kaibigan ng pamilya at insurance commissioner na si Dennis Funa, na brain herniation o ang pagkagalaw ng brain tissue mula sa normal nitong posisyon sa loob ng bungo, ang dahilan ng kaniyang pagpanaw.
Nitong Sabado ay isinugod sa ospital si Bong matapos mawalan ng malay habang nagba-basketball sa Mandaluyong.
Hiniling ng pamilya Tan sa publiko na bigyan sila ng pagkakataon na pribadong makapagluksa at ipagdasal ang kaluluwa ng kanilang pumanaw na mahal sa buhay.
Wala pang inaanunsyong detalye tungkol sa kaniyang burol.
Nitong nakaraang buwan, hinawakan ni Bong ang pinakamataas na posisyon ng PAL Holdings matapos na bakantehin ito ni Gilbert Gabriel Santa Maria dahil sa personal na dahilan.--FRJ, GMA News